Home‎ > ‎

Family and Life Ministry

Kapamilya, Sali Na!!!

Family and Life Ministry

 

 

            Ang pamilya ang pangunahing bumubuo sa isang komunidad. Dito natin unang natututunan ang tamang pag-uugali, tamang pakikitungo sa kapwa, at kung paano maging isang mabuting mamamayan sa lipunan. Ang pamilya ang siyang humuhubog sa atin at isa sila sa mga dahilan sa kung ano tayo ngayon.

 

            Ngunit hindi sapat na ang pamilya ay manatiling nasa loob lamang ng tahanan. Kailangan din nilang maging aktibo sa komunidad. Dahil dito, itinatag ang Family and Life Ministry sa ating parokya.

 

            Nagsimula ang Family and Life Ministry noong taong 2000. Si Msgr. Romy Rañada ang kura paroko noong panahong ito. Unang pinamunuan ang Family and Life Ministry nina Bro. Edgar at Sis. Beth Nelmida. Sinundan sila nina Bro. Rolly at Sis. Jofel Retirado at pagkatapos ay sina Bro. Ed at Sis. Tess Mendoza naman ang naging coordinator. Hindi nila natapos ang kanilang termino dahil nagpaalam sila ng sandaling panahon. Sina Bro. Jun at Sis. Charie Buena ang humalili sa kanila. Sa kasalukuyan, ang Family and Life Ministry ay pinamumunuan nina Bro. Larry at Sis. Beth Manzano.

 

            Ang mga miyembro ng Family and Life Ministry ay ang mga lehitimong mag-asawa na may anak at aktibong naglilingkod sa simbahan. Pangunahing layunin ng organisasyong ito na mailapit ang bawat pamilya sa simbahan upang mapalago at maisaayos ang kanilang espiritwal na buhay. Ito ay maisasakatuparan sa pamamagitan ng pakikibahagi, pakikiisa, pakikilahok sa mga gawain at programa ng parokya, at pagiging aktibong miyembro ng mga organisasyon sa simbahan.

 

            Maraming mga proyekto at gawain ang Family and Life Ministry. Isa na rito ang Kasalang bayan na ginaganap tuwing Hunyo at Nobyembre. Ngunit sa taong ito ay idinaos ang Kasalang Bayan sa buwan ng Hulyo. Nagkakaroon din ng Simbang Pamilya tuwing Linggo, sa ganap na ikasampu ng umaga. Mayroon ding nakaplanong Fun Day na gaganapin sa ika-12 ng Setyembre ngayong taon.

 

            Upang mapalago naman ang espiritwal na aspeto ng mga miyembro ng organisasyon, nagkakaroon ng iba’t ibang gawain tulad ng Weekend Seminars, Weekly Talks, Basic Christian Maturity (BCM), Christian Renewal Seminar, prayer meetings tuwing Biyernes sa ganap na ikawalo ng gabi, Bible Sharing tuwing Lunes sa ganap na ikawalo ng gabi, at Formation sa Diocese tuwing ikalawang Lunes ng buwan sa ganap na ikapito at kalahati ng gabi.

 

            Isang napakalaking tulong ng Family and Life Ministry sa pagpapatibay ng samahan ng bawat pamilya sa ating parokya. Sa pamamagitan ng pagiging miyembro ng organisasyong ito, tiyak na ang bawat pamilya ay sama-samang maglilingkod sa Diyos at magiging mabuting huwaran sa lahat ng pamilya sa ating komunidad.

 

Comments